Sa kabila ng layo at init ng araw, naglalakad ang isang ama kasama ang anak na lalaki mula Surigao papuntang Davao del Sur.
Sa Facebook post ng netizen na si Danilo Calzadora, nakita umano niya ang mag-ama sa Panabo City habang nagpapahinga sila.
Kinilala ang matandang lalaki na si Reynante Quintos.
Ayon kay tatay Reynante, gusto raw niyang umuwi sa Davao del Sur dahil napag-alaman niyang sinasaktan ng kanyang asawa ang isa pa nitong anak.
Ngunit dahil sa kakulangan sa papeles ay hindi makasakay ng bus ang mag-ama kaya naglakad na lamang ang mga ito.
Dahil naawa si Calzadora sa kalagayan ng mag-ama ay binigyan niya ito ng kaunting pera. Bumili rin siya ng materyales para makagawa ng kariton si tatay Reynante upang kahit papaano ay mayroong masakyan ang anak nito habang nasa paglalakbay sila.
Dala-dala rin ng mag-ama ang kanilang mga gamit na mas lalong nagpahirap sa kanilang byahe.
Dahil sa sitwasyon ng ating bansa ngayon dulot ng pandemya, kinakailangan ang travel pass at medical certificate ng isang tao upang makasakay ng pampublikong sasakyan pauwi sa mga probinsya.
Agad namang nag-viral ang mga larawan ng mag-ama sa social media at maraming mga netizens ang naawa at gustong magpahatid ng tulong sa kanila.
Sa kasamaang palad ay hindi umano nakuha ni Calzadora ang numero o ano mang detalye kay tatay Reynante kaya hindi malaman ng mga netizens kung papaano tutulungan ang mag-ama.
May mga gusto ring ihatid na lamang sina tatay Reynante sa Davao del Sur. Ang ilan naman ay nagsabing sana maipaabot sa mga LGU's ang sitwasyon ng mag-ama upang matulungan ang mga ito.
***
Source: Danilo Calzadora | Facebook