Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |
Isang mabuting ehemplo na karapat dapat lang na bigyang pugay ang ginawa ng isang pulis mula Asingan, Pangasinan, dahil sa pagsauli nito sa naiwang bag na naglalaman ng halos 3.2 Milyong piso na naiwan sa isang restaurant sa bayan ng Rosales, Pangasinan.
Sa kabila ng mga negatibong imahe na nababalita tungkol sa ating mga kapulisan, mayroon pa rin namang mga pulis na nananatiling tapat at marangal na gumaganap ng kanilang mga tungkulin. *
Ayon sa balita ng Philippine News Agency, kinilala ang pulis na si Cpl. Marold Ferrer Cabrera , tatlumpung taong (30) gulang, na syang nagbalik sa may-ari ng bag na naglalaman ng mga mamahaling alahas na nagkakahalaga ng mahigit sa 3 Milyong piso at cash na umaabot sa 200,000 piso.
Sa panayam kay Cpl. Cabrera nitong Huwebes, sinabi nito na masaya sya sa kanyang ginawa dahil naka pagbigay sya ng kabutihan sa kapwa nya at karangalan din ito sa ating Panginoon, na syang nakakakita ng lahat ng ating ginagawa maging ito man ay patago.
Bukod pa dito, isang malaking karangalan din ito para sa institusyon na kinabibilangan nya, ang Philippine National Police (PNP).
Sinabi din ni Cabrera na hindi naman sya nag-isip na kunin na lang nasabing pera at mga alahas dahil sapat naman daw ang kanyang sweldo para sa pangangailangan ng kanyang tatlong anak at may bahay na isang full time mom na nag aalaga sa kanilang mga anak. *
Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |
“Pinandigan ko ‘yong pagiging Kristiyano. Sa totoo lang ‘yon naman ang normal na dapat gawin, ang ibalik sa may-ari ang hindi sa’yo. Kaya lang, nagiging big deal kasi hindi na siguro ito normal." ani Cabrera.
Bagaman nabanggit din ng tapat na pulis na naisip nya yung mga bagay na maaring mabili sa halagang ito.
“To be honest, naisip ko po yung mga bayarin ko, yung mga bagay na gusto kong bilhin gaya ng motorsiklo. Pero mabilis lang maubos ang pera, at higit sa lahat hindi ito kalugod lugod sa Dios kapag ginawa ko ang mga bagay na ito." Dagdag pa ng batang pulis.
Ikwinento din ni Cabrera kung saan nya nakita ang nasabing bag, aniya, kumakain sya sa isang restaurant malapit sa pagitan ng Pangasinan at Tarlac nitong September 18, taong kasalukuyan. *
Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |
"Kasalukuyang kumakain ako noon sa isang restaurant, ng napansin ko ang isang babae na kabilang sa isang grupo ng mga tao na umalis at di nya napansin na naiwan nya ang kanyang bag. Kaya tumayo ako para icheck ang laman ng bag at nakita ko na may mga laman ito malaking halaga ng pera." pahayag pa ni Cabrera.
"Agad akong sumakay sa kotse ko para sundan agad yung sasakyan ng babaeng nakaiwan ng bag." dagdag pa nito.
Sa kabutihang palad, naabutan din ni Cabrera ang sinasakyan ng babae na saktong huminto sa tabi ng kalsada sa kahabaan ng Tarlac.
"Alam ko naman na hihinto ang mga ito, marahil napansin din siguro ng babae na nawawala na ang kanyang bad at malamang ay natataranta na sila dahil dito," ani pa ni Cabrera. *
Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |
Agad namang inabot ni Cabrera ang bag sa driver ng sasakyan na syang lumapit din sa kanya. Kalaunan, ay tinetext na daw si Cabrera ng babae at tinatanong ito kung sya ba ang nakapulot sa kanyang bag.
"Nakikipag-usap sa akin ang may ari ng bag sa pamamagitan ng text kung ako nga daw po ba ang nakapulot ng kanyang bag. Pero hindi ko na po ito sinagot dahil naibalik naman na sa kanila ito, hanggang sa tinanong na po ako ng aming Pangasinan Police Provincial Office (PPPO) director tungkol sa insidente," kwento pa ni Cabrera.
"Sinabihan po ako na tumawag sa central office ang nasabing babae upang ireport ang insidente tungkol sa kanyang bag." ani pa nito.
Dahil dito, pinarangalan ng PPPO at binigyan ng letter of commendation si Cpl. Cabrera dahil sa pinakitang katapatan, nitong Lunes, October 12 sa kanilang virtual flag raising ceremony na isinagawa sa provincial police headquarters sa Lingayen, Pangasinan. *
Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |
“Ibalik natin sa may-ari at maaring pagsubok lamang ito. Ang nakagawian na natin isipin na biyaya ito. Ang Diyos maraming kaparaanan para bigyan tayo ng pagpapala, hindi niya loloobin na mawalan o malungkot ang iba para magkaroon ka. Ibalik yon kasi marami pang pagpapala dyan na matatanggap mo,” pahayag ni Cpl. Marold Cabrera.
Nais din magsilbing mabuting ehemplo ng tapat na pulis sa kanyang tatlong anak, na may edad na sampu, tatlo at ang bunso na apat na buwang gulang pa lamang.
Patunay lang ito na hindi lahat ng pulis ay may masasamang imahe, gaya ng mga napapabalita sa social media. May ilan pa rin talaga na likas na mabuti at isanasa puso ang sinumpaang tungkulin sa ngalan ng serbisyo sa bayan.
Gaya na lamang ni Cpl. Marold Cabrera ng Pangasinan Provinacial Police. Mabuhay kayo Sir, at kasihan nawa kayo palagi ng may kapal! *
Larawan mula sa Facebook @Marold Cabrera |