Maingay ngayon ang usap-usapan sa social media tungkol sa Miss Universe Philippines kasunod nang pagkapanalo ng isang Ilongga. Pero mas lalo pa itong naging mas matunog dahil sa ginawa ng isang kandidata matapos ang pageant.
POST-PAGEANT DRAMA
Naging mainit na usapin ng mga netizen ang katatapos lamang na event na ginagap sa Baguio City.
Dahil ilang oras lang matapos makoronahan at tanghaling Miss Universe Philippines ang 24-anyos na pambato ng Iloilo na si Rabiya Mateo, sunod-sunod ang paglabas ng kontrobersyal na cryptic messages sa Instagram story ng isa sa mga lumaban na kandidata, ang Ms. Taguig na si Sandra Lemonon.
"WE DESERVE JUSTICE"
Hustisya ang sigaw ng naging panlaban ng Taguig City sa hindi nya pa tinutukoy na pangyayari.
Aniya, lalabas ang katotohan sa tamang panahon at totoo ang karma. Dagdag pa nya, "Because we deserve justice"
Maya-maya pa ay nag-post na din ng Instagram story ng National Director ng Miss Universe Philippines na si Shamcey Supsup.
Subalit hindi doon natatapos ang lahat dahil ayaw paawat ng naturang kandidata at mistulang sinagot ang post ni Supsup.
Ani Lemonon, ang maluwag na pagtanggap ng pagkatalo ay isa sa mga kalidad ng isang tunay na beauty queen. Pero nakalimutan raw sabihin ng taong hindi pinangalanan ni Lemonon na ang mga tunay na reyna ay lumalaban ng patas at hindi nandaraya.
Dahil dito, kapansin-pansin na tila may hidwaan sa dalawang kampo dahil sa halos magkasunod na post ng dalawa na animo'y palitan ng pasaring kaugnay ng idinaos na kompetisyon.
Isang patama din ang naging post sa Twitter ng dating Miss Universe Philippines na si MJ Lastimosa.
Wala pang official statement na inilalabas ang magkabilang panig sa mga oras na ito.