Litrato mula sa Facebook |
Kumakalat ngayon sa social media ang isang nakaaantig na larawan ng magkapatid na ibinahagi ng isang guro na si Shyla Mie Brillantes Blasico noong isang araw lamang.
Makikita sa larawan ang isang batang estudyante na kalong-kalong ang kaniyang bunsong kapatid habang nag-aaral sa loob ng paaralan.
Ayon kay gurong Blasico, isa sa mga estudyante niya ang nasabing bata. Ang batang tinutukoy ay isang ulila na.
Namatay umano ang ina ng mga ito noong nakaraang taon sanhi ng ‘ectopic pregnancy’.
Wala umanong magbabantay sa nakababatang kapatid nito kaya isinasama na lamang ng estudyante ang kanilang bunso sa paaralan para lang maiwasang lumiban.
Litrato mula sa Facebook |
“Pinapakain nlng nmin cla sa skol pag lunch time para d nlng umuwi tuwing tanghali,” kuwento pa ng guro. “Hopefully may mga mabubuting puso dyan na tutulong.”
Litrato mula sa Facebook |
Sa panayam ng ABS-CBN News kay Teacher Shyla, napag-alaman na ang bata ay si Mateo Baño, isang mag-aaral sa Grade 3 sa J. Blanco Elementary School sa South Cotabato.
Tatlo umanong magkakapatid sina Mateo at ang panganay ay nasa Grade 5 sa parehong eskuwelahan din.
Palit-palitan umano ang dalawang magkapatid sa pag-aalaga sa kanilang bunso, ayon pa kay Teacher Shyla, habang ang kanilang ama ay nagtatrabaho bilang karpintero.
“Minsan sa kapitbahay pinaiiwan yung bata. May tumutulong din naman,” kuwento pa ng guro. “Tinatanong ko kung sino nagluluto…yung kuya lang daw.”
Simula umano nang ibahagi niya ang larawang ng magkapatid, nakatanggap na rin ang mga ito ng kaunting tulong mula sa mga may mabubuting puso.
Bagama’t may mga nagbigay na umano ng pera, mas kailangan daw ng pamilya ang pagkain tulad ng bigas, at ganun na rin ang iba pang pangangailangan.
Marami naman ang naantig sa larawan ni Mateo at ng kaniyang kalong-kalong na kapatid. Umani na ito ng samut’-saring reaksyon at nakakuha na ng mahigit 10,000 shares.
Sa mga nagnanais daw tumulong, maaaring kontakin si Teacher Shyla, na bagama’t hindi nag-iwan ng cellphone number ay maaari pa ring padalhan ng mensahe sa kaniyang Facebook account.