Bunga ng mabilis na progreso ng modernong teknolohiya, mas nagiging kumportable at magaan ang paraan ng pamumuhay para sa marami. Lalo na kung ito ay pang-masa o abot-kaya lang ang halaga.
Noon pa man, mayroon nang mga imbensyong nagpabilib sa buong mundo na proudly pinoy-made.
Ilan lang sa mga ito ang bamboo incubator, microchips na ginagamit sa computer, at maging ang antibiotic na Erythromycin.
Patuloy pang dumarami ang mga ito at isa na sa mga panibagong karagdagan sa imbensyong gawang pinoy ay ang sapatos na may kakayahang mag-charge ng cellphone.
Kilalanin sila Miguel Ortega, Otto Uylangco at Creo Baylon, pawang mga estudyante mula sa Philippine Science High School.
Ayon sa ulat, pitong buwan lang ang ginugol ng tatlo upang mabuo ang high-tech at malikhaing imbensyon.
Gumagana ito sa pamamagitan ng tinatawag na Piezoelectric Magnetic Set-up.
Gamit ang gadget na nakalagay sa sapatos, ico-convert nito ang pressure o vibration na dulot ng paglalakad para maging electricity na may kapasidad mag-charge ng cellphone.
Ang bawat yapak ay maglilikha ng 10milliwatts na kuryente. Kaya kung nanaising i-full charge ang isang regular na cellphone ay mangangailangan lamang ito ng 500 na hakbang.
Nagwagi ang imbensyon ng tatlong binatilyo sa Project Tuklas na nilahukan ng iba't ibang eskwelahan sa Metro Manila.
Paliwanag ni Miguel, layunin raw nilang palawakin pa ang imbensyon para mas gawin itong kapaki-pakinabang.
"Sa next phase po kasi gusto po namin na parang may taga-store ng electricity para magamit po 'to para mag-power ng mas maraming devices." saad ng estudyante.
Panuorin: