Maraming taong gipit sa buhay ang halos hindi magkandaugaga sa kakatrabaho para lang may kitain sa araw-araw kahit pantawid gutom lang ito. Napakahirap ng ganitong sitwasyon para sa mga matatanda, paano pa kaya sa mga musmos?
Ganito ang kaawa-awang sitwasyon ng isang bata na maagang namulat sa kahirapan at natutong magbanat ng buto sa napakamurang edad pa lamang.
Lumutang ang mga larawan ng bata na kinilala bilang si Rehan matapos itong makita sa kalye ng isang lalaki na nahabag sa kanyang kalagayan dahil imbes na masaya itong ginugugol ang kanyang oras sa pag-aaral at paglalaro ay kumakayod na agad ito at laman pa ng lansangan.
Ayon sa netizen na may Instagram handle na @rhmadii__, maaga umanong gumigising ang musmos dahil kailangan nya pang lumakad ng 10km araw-araw papunta sa kanyang pinagtatrabahuhan bilang mascot o street clown.
Ang trabaho ng bata ay aliwin ang mga taong naipit sa traffic at inip na inip na gaya ng mga driver o mga empleyadong papasok sa kani-kanilang trabaho.
Para raw makuha ni Rehan ang atensyon ng mga ito ay gumagawa sya ng mga agaw-pansing eksena sa kalsada gaya ng "little jogging".
Pabago-bago rin umano ng costume ang bata para hindi magsawa ang mga audience nito. Ilan sa mga pinagpapalit-palit nya ay ang mga cartoon characters sa Dora the Explorer, Upin and Ipin, Spongebob Squarepants at iba pa.
Ani Rehan, ginagawa nya raw ito para masustentuhan ang kanyang pangangailangan sa araw-araw.
Paliwanag nya, ang kinikita nya sa pagma-mascot ay napupunta sa kanyang pagkain, pang-ambag sa renta ng bahay, at kung may sobra pa ay para naman sa kanyang pag-aaral.
Inamin din umano ng bata na kahit hindi kalakihan ang perang kinikita nya mula dito ay hindi na ito masama lalo na nakabibili sya ng packaged rice para sa kanila.
Nagtatrabaho man ang nanay nya, ibinahagi ng bata na ang sinasahod ng nanay nya ay sapat lang para may maipambayad sila sa renta ng bahay.
Bagama't nakakapagod man daw ang paglalakad ng sampung kilometro, masaya naman daw sya na makatulong sa kanyang nanay.
Pinipili rin daw nyang gumising ng maaga papasok ng trabaho para makaiwas sa traffic, at gano'n rin pauwi upang makalaro pa sya ng football.
Ang nasabing bata ay nagtatrabaho sa Jalan Gatot Subroto sa South Kalimantan, Indonesia.