Ibinahagi ng netizen na si Murphy Red kung papaano niya tinulungan ang isang babaeng nag-friend request sa kanya sa Facebook.
Raya and Lazarte Simeon Maria Grace / Photo credit: Murphy Red
Kinilala ang babae na si Lazarte Simeon Maria Grace. Dahil mukha naman raw “harmless” si Lazarte ay in-accept ni Murphy ang friend request nito.
Isang araw ay nakatanggap ng message si Murphy mula kay Lazarte at humihingi ng kaunting pambili ng bigas.
“Nag-message s’ya sa akin na baka pwede makahingi ng konting bigas kasi kagabi pa hindi kumakain ang mga anak niya, sagad na sagad na ang bigas nila at wala na silang malapitan,” kwento ni Murphy sa kanyang Facebook post.
“Wala umanong trabaho ang mister niya dahil sa lockdown at masasakitin pa kaya hindi rin makakilos. Tatlong beses lang daw silang nakatanggap ng relief mula sa gobyerno at wala nang kasunod,” dagdag nito.
Hindi naman raw mayaman si Murphy ngunit hindi siya nagdalawang isip na tulungan si Lazarte kaya tinanong nito ang kanyang address.
Parehas silang nakatira sa Antipolo ngunit magkalayo ang kanilang lugar. Kaya pinakiusapan ni Murphy ang kanyang pamangkin na si Raya upang magpadala ng tulong kay Lazarte dahil siya “ay asthmatic at bulnerableng mahawa ng coronavirus.”
“Dahil malayo ang agwat ng tirahan ko dito COGEO mula sa barangay nila at hindi ako nangangahas na lumabas dahil ako ay asthmatic at bulnerableng mahawa ng coronavirus, kinontak ko ang pamangkin kong si Raya na taga-Dalig 2 at pinakiusapan na paabutan ng bigas at ilang delata at iba pang makakain si Maria Grace,” sabi ni Murphy.
Naibigay naman ni Raya kay Lazarte ang tulong na ipinaabot ni Murphy.
Ayon kay Murphy, hindi niya ipinost ang kwentong ito upang magyabang, ginawa niya ito para ipaalam sa bawat isa na may mga taong nangangailangan ng tulong dahil sa kinakaharap na krisis ng buong mundo.
Lubos lubos naman ang pasasalamat ni Lazarte sa ibinigay na tulong ni Murphy.
Samantala, sinisisi naman ni Murphy ang gobyerno dahil hindi umano natutulungan ang mga katulad ni Lazarte.
Aniya, nangangamba siya sa maaaring "idulot na kaguluhan kapag tuluyan nang nasaid ang pagtitimpi at ganap nang sumabog ang galit ng milyon-milyong Maria Grace na makahayup na pamamahala ng kasalukuyang rehimen ng mga buwitre at uwak."
Samantala, sinisisi naman ni Murphy ang gobyerno dahil hindi umano natutulungan ang mga katulad ni Lazarte.
Aniya, nangangamba siya sa maaaring "idulot na kaguluhan kapag tuluyan nang nasaid ang pagtitimpi at ganap nang sumabog ang galit ng milyon-milyong Maria Grace na makahayup na pamamahala ng kasalukuyang rehimen ng mga buwitre at uwak."
Narito ang buong post ni Murphy.
"Hindi kami personal na magkakilala ni Maria Grace. Nagpadala lang siya ng friend request at dahil mukhang harmless naman siya, tinanggap ko. Kaninang maagang-maaga, nag-message s’ya sa akin na baka pwede makahingi ng konting bigas kasi kagabi pa hindi kumakain ang mga anak niya, sagad na sagad na ang bigas nila at wala na silang malapitan. Wala umanong trabaho ang mister niya dahil sa lockdown at masasakitin pa kaya hindi rin makakilos. Tatlong beses lang daw silang nakatanggap ng relief mula sa gobyerno at wala nang kasunod.
Nadurog ang puso sa sinabi niyang kalagayan kaya nagpasya ako ng mapaabutan siya ng tulong sa anumang paraan. Katulad na halos lahat na apektado ng militaristang lockdown ng gobyerno sanhi ng pandemyang COV1D-19, kapos din ako sa materyal na bagay pero di tulad ni Maria Grace, wala akong mga batang alaga na hindi kayang busugin ang kumakalam na mga sikmura ng maski ano pang paliwanag.
Agad kong tinanong kung taga-saan siya at sinabi niyang taga Dalig 3 siya sa bandang kabayanan (pareho kaming taga-Antipolo). Dahil malayo ang agwat ng tirahan ko dito COGEO mula sa barangay nila at hindi ako nangangahas na lumabas dahil ako ay asthmatic at bulnerableng mahawa ng coronavirus, kinontak ko ang pamangkin kong si Raya na taga-Dalig 2 at pinakiusapan na paabutan ng bigas at ilang delata at iba pang makakain si Maria Grace.
Agad namang tumugon ang pamangkin kong si Raya at bago ito pumasok sa trabaho ay nagawa nilang magkita sa napagkasunduang lugar at naiabot kay Maria Grace ang kaunting pagkain na napagtulungan naming maibahagi ng aking pamangkin.
Pinopost ko ito hindi para magmayabang kundi dahil hindi ko maiwasang isipin kung ilan pa ang tulad ni Maria Grace na sa sobrang kakapusan ay nagbabakasakali na lamang makahingi ng tulong maski sa mga hindi kakilala. Abot-abot ang pasasalamat niya sa amin dahil lahat daw ng sinubukan niyang i-message sa Facebook para magbaka-sakali para sa kanyang mga anak ay hindi nagre-reply at bina-block pa daw siya. Hindi rin masisisi ang mga gumawa sa kanya ng ganoon dahil siguradong pareho lang din ang kalagayang kinasasadlakan nila ng kalagayan ni Maria Grace.
Hindi man lang nagtira ang manhid na gobyernong ito ng maski katiting na dignidad sa mga mamamayan na napipilitan nang mamalimos dahil sa hirap at militarisasyon. Habang nagpapasasa sa pangungulimbat ang mga opisyal ng pamahalaan sa gitna ng sakuna, maraming Maria Grace na tumatahimik na lamang at nagtitiis sa gitna ng panganib sa patuloy na pagdami araw-araw ng bilang ng nagkakasakit at namamatay dahil sa #COV1D19PH. Nakabibingi ang katahimikan sa nakalukob na panganib at kamatayan at walang maasahan ang sambayanan kundi ang isa’t isa.
Hindi maiaalis ang pangamba sa maaring idulot na kaguluhan kapag tuluyan nang nasaid ang pagtitimpi at ganap nang sumabog ang galit ng milyon-milyong Maria Grace sa makahayup na pamamahala ng kasalukuyang rehimen ng mga buwitre at uwak.
Pero hindi ko maintindihan kung bakit may nararamdaman akong labis na pananabik sa napipintong pagsambulat na iyon."
***
Source: Murphy Red | Facebook