Anak ng Kargador, nakapagtapos at ngayo'y ganap ng guro: Pa, panahon na upang mag relax-relax kayo - The Daily Sentry


Anak ng Kargador, nakapagtapos at ngayo'y ganap ng guro: Pa, panahon na upang mag relax-relax kayo



Larawan kuha mula sa post ni Mailyn Esquelito Akoy

Sipag, Tiyaga, Determinasyon at Pananalig sa Diyos!

Ito ang natatanging sandata ng isang estudyante bukod sa buong-buo na suporta ng kanyang mga magulang sa kanyang parangap upang makapagtapos ng pag-aaral.

Tunay na kakapulutan ng inspirasyon at aral ang isang nakakaantig pusong kwento ni Mailyn Esquelito Akoy, kung saan ibinahagi niya ang kanyang mga pinagdadaanan at pagsasakripisyo ng kanyang mga magulang bago niya makamit ang minimithing tagumpay.

Aminado si Mailyn na matindi ang paghihirap nila ng kanyang pamilya sa pamumuhay, kaya lubos niyang ipinagpapasalamat ng buong puso ang tagumpay na nakamit mula sa kanyang Ama na isang kargador at sa Nanay niya na nag-aalaga sa kanila.


Upang makatulong sa mga gastusin sa pag-aaral, kahit pa dadalawa ang kanyang scholarship sa pinapasukang Unibersidad, nagbabanat si Mailyn ng buto upang kumita sa kahit na maliit na halaga.

Larawan kuha mula sa post ni Mailyn Esquelito Akoy

"Upang makatulong ako sa aking mga magulang, Nagtututor ako, gumagawa ng mga project ng mga tamad na estudyante, nagpapaketi ng chicharon sa aming kapit bahay. naglalako ng gulay, namumulot ng plastik, bote, bakal at minsan ding naging working student ng sa ganon may pangbaon at pambayad ako sa mga babayarin ko sa paaralan,"

Nakapagtapos ng pag-aaral si Mailyn sa kursong Bachelor of Arts in Economics, Sultan Kudarat State University – Tacurong City Campus.

Sa kasalukuyan isa na siyang Business Teacher at class adviser sa Notre Dame of Tacurong College – Senior High School Department, Tacurong City, Sultan Kudarat.

Narito ang kaniyang kahanga-hangang kwento: 

Larawan kuha mula sa post ni Mailyn Esquelito Akoy
Sila:
“Papa ko, Pulis!”
“Papa ko, Seaman!”
“Papa ko, Doctor!”
“Papa ko, Teacher!”

Ako? “Papa ko, KARGADOR.”


Oo, anak ako ng isang Kargador. Pasan dito, pasan doon, yan ang araw-araw na ginagawa ng aking butihing Ama. Bawat pasan nya’y pera ang kapalit. Oo, mahirap sa tingin ng iba ngunit kahit kailan hindi ko ikinakahiya ang kung ano ang trabaho ng aking Ama. Kaya, bata pa lamang ako, hindi na lingid sa aking kaalaman ang hirap ng buhay. Sa murang idad pasan ko na ang mabigat na responsibilidad bilang isang anak.

Lahat ng hirap na pinagdaanan ng mga magulang ko ang syang nagsilbing inspirasyon ko para pagbutihin ko ang aking pag-aral. Dahil si Papa isang kargador samantalang si Mama naman ay syang nag-aalaga’t nagaasikasu sa aming magkapatid.

Naalala ko pa noon, halos 10 years kaming nanirahan sa squatters area ng minsang masunog ang aming bahay. Hindi alintana ni Mama noon ang maiwan sa loob ng lumalagablab naming bahay, mailigtas lamang kaming magkapatid, kaya nag iwan ito ng malaking marka sa kanyang brasu.

Hirap din ang dinananas ng aking pamilya dahil sa tuwing rumagasa ang malakas na ulan, hindi kami nakakatulog dahil sa humahalik sa aming paanan ang tubig baha na pumapasok sa aming munting tahanan.

Dumating ang araw noong kami’y elementary. Hatid-sundo kaming magkapatid ng aming sasakyang “bisikleta”, Minsan, kapag maaga si Papa umaalis, naglalakad kami papuntang skwelahan at sa awa ng Dyos, nairaos nina Papa’t Mama ang Elementary schooling naming magkakapatid.


Nag High School, sabay na kaming nag enrol ni Kuya (Natigil kasi sya ng isang taon dahil sa hirap ng buhay). Pinalad kaming makakuha ng scholarship at malaki ang naitulong nito. Hangang sa tumontong kami ng 3rd year High School. At doon dumating ang hindi inaasahan naming mangyari sa aming pamilya. Hating gabi, ginising ni Kuya si Mama upang makatabi sa pagtulog. Mataas ang kanyang lagnat, inuubo’t sinisipon, namamaga din ang kanyang mga paa at hirap na huminga. Hindi naming alam kung ano ang aming dapat na gagawin dahil ultimo pambili ng gamot, wala. Pang hospital, wala. Ni Philhealth na para sa mahihirap, wala kaming ganon. Hanggang sa pumanaw si Kuya sa di matukoy na sakit at sa di malamang dahilan.

Lugmok ang aking mga magulang sa pagpanaw ng isa sa inaasahan nilang aahon sa aming kahirapan. Hindi ako sumuko, Ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral hanggang sa tumuntong ako ng 4th year High School. Si Papa non, kayud-kalabaw kung mag trabaho dahil alam nyang nakapila at nakapatong nanaman ang aking babayarin sa paaralan. Naalala ko pa noon, sa lahat yata ng gathering sa school, tanging JS Prom lang ang naattend-nan ko. Iniisip ko kasi, imbis na ipangbayad ko para sa isang salo-salo, ibibili nalang namin iyon ng bigas na tiyak na makakakain pa ang buo kong pamilya.

Di kami ganon katalino, sakto lang. Upang makatulong ako sa aking mga magulang, Nagtututor ako, gumagawa ng mga project ng mga tamad na estudyante, nagpapaketi ng chicharon sa aming kapit bahay. naglalako ng gulay, namumulot ng plastik, bote, bakal at minsan ding naging working student ng sa ganon may pangbaon at pambayad ako sa mga babayarin ko sa paaralan.



Minsan lang kami nakakaakyat ng entablado sa tuwing may parangal sa paaralan. Malaki kasi ang kawalan sa aming grado ang Extra Curricular Activity, isa kasi iyon sa basihan sa ranking. Hindi naman kasi kami nakakasali dahil sa kakapusan ng pera kaya minsan with honor, minsan naman wala. Kaya nakapagtapos ako mula sa elementary hangang sekondarya ng: “Audience”. Kaway-kaway sa mga katulad ko dyan.

Sa awa ng Dyos, nairaos din ng aking mga magulang ang halos labing isang taon kong pag-aaral. Nagdadalawang isip pa nga sila noon kung papa-aralin pa nila ako sa koleheyo o hindi na. Baka kasi di na daw nila kayanin ang gastusin ko sa paaralan.

Kaya, bago ako tumuntong ng koleheyo, nahinto ako sa aking pag-aaral ng isang taon. Kesa naman tumambay ako, Nag-aral ako ng Vocational Course sa isang simbahan. Sa Nuestra Seniora de Candelaria Parish Church. Oo, simbahan ng mga katoliko. Alam kong isa akong ISLAM ngunit hindi natinag ang aking kagustohang makapag-aral. Sayang din naman yong libreng paaral ng TESDA. (Graduate ako ng Computer Literacy at nagkamit ng parangal na: “Best in presentation of the Class”.)

Hanggang sa dumating ang pagkakataon na binigyang muli ako ng chansang makapagpatuloy ng pag-aaral. Inutang ni Mama sa 5’6 at si naman Papa sa kanyang pinagtatrabahoan ang pang enrol ko at pang entrance exam sa Sultan Kudarat State University at may ipang down payment narin para sa paunang babayarin. Marami ang nakapagsabi na hindi ako makaka-abot hangang 4th year college dahil hindi na raw kakayanin ng aking mga magulang ang magiging gastusin sa paaralan. Hanggang 1st semester lang daw ako dahil si Papa isa lamang na kargador na kung tutuosin kulang pa ang kayang kinikita sa pang araw-araw naming gastosin dahil lang sa kakaramput nitong kita.



Ang Ginawa ko noon? In-applyan ko halos lahat ng mga opisinang tumatanggap ng skolar. Yong init, pagod at hirap hindi ko alintana makapagpatuloy lamang sa pag-aaral. Hindi ako nagpatalo sa aking hiya kahit alam kong walang kasiguradohan kung matatangap ba ako o hindi ngunit sumubok parin ako.

Masasabi kong hindi lang siguro ako ang estudyanteng iisa lamang ang suot na paldang uniporme mula 1st year hanggang 4th year? Oo, nakakahiya mang aminin pero totoo. ISA lamang ang paldang aking ginagamit. Suot ko ito mula Lunes hanggang Martes, Myerkules (Wash Day) kaya may panahon ako para labhan ito at Huwebes hangang Biyesnes (suot ulit) kaya maingat kong ginagamit ang aking palda na hindi madumihan.

Di rin biro ang aking pinagdaanan bilang isang estudyante. Nawalan kami ng kuryente halos apat na buwan. Hirap akong mag-aral gamit ang lampara (Nakakadoling kasi) Mapahangang ngayon, wala kaming kuryenteng ginagamit ngunit ang pinagkukunan ng aming ilaw ay ang mula sa init na nagmumula sa sinag-araw. (Solar Power). Kaya, Madalas akong ginagabi lagi ng uwi dahil sa paaralan na ako gumagawa ng aking mga projects, assignments at don narin ako nakikicharge. Sinusundo lamang ako ni Papa pag ako’y tapos na. Minsan, may natanong sa akin.

Isa sa aking kaklase: “Di ka ba nahihiyang bisikleta lang ang taga-hatid at sundo mo rito sa paaralan?” Imbis na mainis ako, ang sagut ko lamag sa taong iyon ay, “Yan lang ang sasakyan na meron kami at HINDI ko ikinakahiya kong anong sasakyan ang susundo sa akin dito sa paaralan dahil maswerte akong anak na may amang nag-aalala sa akin sa tuwing gabihin ako sa pag-uwi at nagtatyagang ihatid at sundoin ako kahit na minsan sya’y pagod galing sa trabaho”.

Maswerte na akong maituturing dahil hindi lahat ng Ama katulad ng aking Papa. Tuwing nalalapit na ang pasokan, inuutangan ako ni papa ng pambayad ko sa kanyang pinagtatrabahoan at ang kapalit ng madaling pagpapahiram sa kanya ay ang bawat buhat ng sako ng simento mapunan nya lang ang perang kanyang nahiram. Kaya, nag apply ako ng summer job ng sa gayon makatulong ako kahit papaano at hindi nga ako nabigo, naging Sultan Kudarat SPES Grantee ng halos tatlong taon. Naalala ko pa noon, ang huling utang ni Papa ay yong may babayaran ako sa OJT Uniform at OJT Seminar.

Oo, dalawa ang scholarship ko. Yong isa CHED Scholarship at yong isa naman Academic Scholar (Dean’s List) pero hindi naman naging madali ang lahat para sa akin.

Kailangan kong magsunog ng kilay upang may magandang resulta akong maipapakita sa tuwing end of semester. Alam kong hindi naman ako ganon katalino kaya’t pinagpupuyatan ko madalas ang aking mga leksyon. Hindi naman siguro masama ang humangad diba? Isinantabi ko lahat ng paninira at panungutya ng ibang tao sa akin. Natatawa lang yong iba dahil hindi nila alam kung ano ang dahilan kung bakit pinaghihirapan ko ang aking pag-aaral. Kung bakit kailangan kong abutin ang GPA na 90 (1.75) pataas para maging Dean’s List ako. Hindi kasi maiwasan na madedelay yong Educational Assistance kung kaya madalas lagi kong pinipresent sa cashier yong DL Scholarship.

Sayang din naman kasi yong 75% na bawas sa aking babayarin. Kaso, dumating yong puntong nagkakasakit na ako sa sa kaka-aral dahilan kung bakit malaki ang ibinagsak ng aking katawan. Doon narin nagumpisa na halos tuwing semester may record ako sa clinic. Ganon na lamang ang pagkadismaya ko nang minsang umabot nalang ng 88 to 89 sa mga naging resulta ng aking mga gradu at alam kong pati narin sina Mama’t Papa dahil sa bawat gradu na aking naipapakita, sa ganong paraan nasusuklian ko ang kanilang paghihirap.



Bilin ni Papa lagi sa akin: “Anak, mag-aral kang mabuti dahil hanggat may lakas pa akong magtrabaho, makakapag-aral ka. Wag mo akong ikahiya dahil isa lamang akong KARGADOR. Ikaw nalang ang magiging pag-asa namin ng Mama mo”.

Alam kong hindi biru ang magiging isang kargador. Masakit makita ang iyong ama’y nahihirapan sa kanyang trabaho. Napapaluha ako sa tuwing nadadaanan ko si Papa kanyang pinagtatrabahoan papuntang paaralan. Buhat-buhat ang halos 40 kilong sako ng semento, na halos hindi ko na makilala dahil sa alikabok na babalot sa kanyang katawan at nakabilad sa ilalim ng tirik na araw. Minsan kahit may dinadamdam sya, pilit parin syang nagtatrabaho. Ang rason nya kasi “Kung hindi ako magtatrabaho, wala tayong kakainin sa isang araw”. Nakakalungkot mang isipin pero nangyayari talaga iyon sa aking pamilya. Ang nakakalungkot lang, si Papa operadong tao. Minsang ng naoperahan si papa sa binte noong nasagasaan sya ng bus kung kaya hirap syang maglakad at pa ika-ika narin kung minsan. Ang tangi ko lamang nagagawa sa tuwing nakikita ko syang nahihirapan sa kanyang trabaho ay ang alayan sya ng dasal: Na “Nawa’y, gabayan ng puong maykapal ang aking Papa sa kanyang ginagawa. Na Ilayo sya sa anumang kapahamakan.” Di kasi maiwasan na mapapahamak sya sa kanyang pinagtatrabahoan.

Ngayon, tumatanda na ang aking mga magulang, Kung hindi siguro ako skolar, triple itong paghihirap ng aking mga magulang. Minsan, pinagmamasdan ko sila sa kanilang pagtulog habang bumubulong ako sa aking sarili na “Napaka palad ko sapagkat nagkaroon ako ng mga magulang na katulad nila na kahit kalian hindi ako pinabayaan”.

Ngayon, ilang araw at muli akong magmamartsa paakyat sa entablado, Nakasuot ng itim na toga. Tatanggapin ang diplomang nakakapagpatunay na ako’y nakapagtapos sa kursong AB-Economics. Makikipagkamay sa aking mga propesor na may malaking bahagi sa aking buhay. Yuyuko sa harap ng daan-daang estudyante na katulad kong magsipagtapos at sa mga magulang na katulad ng aking Mama’t Papa na labis ang nadarama para sa kanilang anak.

Kahit hindi man ako Cum Laude, Hindi rin ako honored student at wala man akong matatanggap na kahit anong award at kahit audience nanaman ang lola nyo sa nalalapit na parangal, masaya ako na ilahad ang aking kwento hindi para may maipagmayabang dahil malapit na ako sa katotohanan ng tagumpay kundi para maibahagi ang kwento kong ito para magsilbing inspirasyon sa mga kabataang katulad ko na salat sa buhay, na anak ng isang kargado, na kahit anong hirap ay kayang lampasan lahat ng pagsubok, mapagpursige at mapagsumikap na anak at isang istudyanteng kailanman hindi nauubusan at nawawalan ng tiwala sa Puong Maykapal. Dahil kung ikaw ay may hangarin maaabot at maaabot mo ang iyong mga pinapangarap. Dahil ako? HINDI AKO NAHIHIYANG IPAALAM NA ANG TRABAHO NG AKING AMA AY ISANG “KARGADOR”.



Kaya, kayo. Oo, kayong mga kabataan, tandaan nyo, Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong makapag-aral. Wag mong sisihin ang iyong mga magulang dahil sa mahirap ang buhay na meron kayo ngayon. Isipin mo, nagsisimula mismo sa iyong sarili ang lahat dahil hanggat nakakasama mo pa ang iyong mga magulang, hanggat may lakas pa silang magtrabaho para paaralin ka. Utang na loob! Free Tuition na ngayon kaya magsumikap ka’t suklian ang bawat paghihirap nila dahil hindi lahat ng magulang ay responsable.

Sa Mama at Papa ko, Panahon ko naman po na masuklian lahat ng inyong sakripisyo’t paghihirap mairaus lamang ang pang araw-araw nating buhay. Sisikapin kong maghahanap ng magandang trabaho. Sayo Pa, panahon naman pong mag relax-relax kayo, ipahinga nyo na ang laging pagod ninyong katawan dahil tumatanda na po kayo. Alam kong wala man po kayong kayamanan na maaring ipamana sa akin, pinamanahan nyo naman po ako ng isang bagay na hindi maaaring mananakaw sa akin ninoman. “Ang Karunongan”.

Hindi ko mapagtatagumpayan ang lahat kung hindi dahil sa mga taong naging saksi ng buhay ko. Maraming salamat sa minsan kong naging guro dahil isa kayo sa bumuo ng aking pangarap. Sa aming guidance counselor, Ma’am Amy at Ma’am Christine Joy Silabay salamat po dahil hindi po kayo nagsasawa sa halos araw-araw kong kwento, sa kapwa ko Sksu Certified Peer Helpers , salamat dahil naging bahagi kayo ng aking buhay. Sa mga tumulong sa akin, Sir Leonardo Manipon Delos Reyes, Ate Jeseryl Guilaran, Lolo, Lola, Esquelito Family, at sa mga naging kaibigan ko Maraming pong SALAMAT. Sa Mama Narcisa ko at kay Papa Tammy maraming salamat dahil pinalaki nyo akong responsableng anak. Kuya Michael, saan kaman naroon ngayon, nawa’y naging masaya ka sa aking tagumpay. Sa mga taong nangungutya’t umaapi sa pamilya ko, maraming salamat dahil kayo ang dahilan kung bakit ako nagsusumikap. At lahat ng pararangal at papuri ko sa amang Dyos na syang sandigan ng lahat, Maraming salamat sa walang sawang pagsubok na iyong binibigay sa akin dahil don, mas lalo akong naging matatag, nagpursige’t nagsumikap. Maraming, maraming salamat sa iyong mga biyaya.

Hindi pa rito natatapos ang lahat. Marahil ay napagtagumpayan ko ang unang hakbang ngunit mas paghahandaan ko ang pagharap sa malaking mundo.

Mailyn Esquelito Akoy,
Bachelor of Arts in Economics,
Sultan Kudarat State University – Tacurong City Campus
Batch: 2017 – 2018
#KudosEconomista #CertifiedPeerHelperMember #SKSUnianz.

***

Source: Mailyn Esquelito Akoy

Stay updated with the latest news and trends by hitting the LIKE button. Thank you!