Traffic enforcer na sumita sa SUV driver, kinaladkad - The Daily Sentry


Traffic enforcer na sumita sa SUV driver, kinaladkad




Sapul sa CCTV ang pangangaladkad ng isang driver sa traffic enforcer na sumita sa kanya. Sabado ng maganap ang insidente sa Sta. Cruz, Manila bandang alas-9 ng umaga.

Kaawa-awa ang sinapit ng isang traffic enforcer nang walang-puso syang kaladkarin ng nasita nyang nagmamaneho ng SUV.

Kinilala ang biktimang nagtamo ng sugat na si Adrian Lim, isa sa mga tauhan ng Manila Traffic and Parking Bureau ayon sa Manila Public Information Office.

Nasita ang driver dahil umano sa disregarding lane marking. Ngunit dahil ayaw nitong tanggapin na mayroon syang nagawang violation, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa at hiningi ang kanyang lisensya ng nasabing enforcer. Doon na nya pinatakbo ang sasakyan kung saan nakaladkad si Lim.

Ayon kay Modesto Taguioa, Sector Commander ng Manila Traffic and Parking Bureau, sinuntok pa ang enforcer habang sya ay nakasabit sa sasakyan.

Base sa kuha ng CCTV, makikitang nakasabit ang enforcer sa umaandar na Mitsubishi Xpander sa Gelinos Street, malapit sa kanto ng Laong-Laan Street, sa Barangay 342.

Nagdire-diretso ang driver ng SUV hanggang sa nakaperwisyo pa ito ng iba dahil sa pagkakabangga sa nakaparadang sasakyan.

Kinilala ang suspek na walang habas na nangaladkad ng biktima na si Orlando Ricardo Dizon Jr. 54,  na taga-Gonzales Drive, Doña Pilar Compound, Batasan Hills, Quezon City.

Humarurot pa si Dizon ngunit nahuli rin sa kahabaan ng Oroquieta St., malapit sa panulukan ng Tayuman St.

Agad namang nilapatan ng first aid ng Philippine Red Cross si Lim na dinala sa Jose R. Reyes Memorial Medical Center para magpagaling.

Nahaharap ang suspek sa kasong serious physical injury at hit-and-run.

Sources: ABS-CBN News GMA News