Dahil sa mainit na usapin ngayon sa social media patungkol sa isang gurong ipina-Tulfo dahil umano sa pamamahiya sa isang bata sa paaralan, isang news anchor mula sa DZMM TeleRadyo ang naglabas ng kanyang saloobin.
Ricky Rosales and Raffy Tulfo / Mga Larawan mula Facebook at Abante
Sa kanyang Facebook post, ipinaalala ni Ricky Rosales na hindi na bago ang naging isyu sa pagitan ng estudyante at kanyang guro, matagal na raw ang ganitong problema.
Ipinaliwanag ni Rosales na ang dahilan ng pamamayagpag ni Raffy ay ang malalang sakit ng ating lipunan.
“Ito ay ang failure o kabiguan ng ating mga institusyon na gawin ang kanilang tungkulin. Pinupunuan lamang ng mga Tulfo ang kabiguang ito ng ating mga institusyon.”
Ibinigay niyang halimbawa ang isyu ng guro at kanyang estudyante. Tanong ni Rosales, kung sa DepEd lumapit ang magulang ng bata mabibigyan kaya ng hustisya ang kanilang reklamo?
Dagdag nito, kung may reklamo ka at sa pulis o sa korte ka lumapit, gaano kaya kabilis ang pag-kamit ng hustisya?
Ito raw ang dahilan kung bakit maraming lumalapit kay Tulfo dahil gusto nilang makalaban ng patas kahit walang pera at koneksiyon.
Ayon kay Rosales, “kung magagalit ka, wag kay Raffy Tulfo at sa kanyang mga kapatid. Baka nga dapat ka pang magalit sa sarili mo dahil wala ka namang ginagawa para baguhin ang sistemang ito.”
Narito ang kanyang buong post:
“Mga kapatid, sana’y hindi tayo maligaw sa kontrobersiyang nilikha ni Raffy Tulfo.
Hindi usapin dito ang problema ng estudyante sa kanyang titser. Ang totoo, hindi bago ang ganyang problema sa ating edukasyon. Matagal nang may ganyang problema.
Ang isyu ay nakikita natin na sobrang kapangyarihan ngayon ng midya, ni Raff Tulfo, para gawin ang mga bagay na hindi na niya sakop katulad halimbawa ng pagpapa-tanggal niya ng linsensiya sa isang pobreng guro na hindi kalaunan ay binawi rin naman ni Tulfo.
Ang pamamayagpag ni Raffy at ng iba pang Tulfo ay sintomas lamang ng isang malalang sakit ng ating lipunan. Ito ay ang failure o kabiguan ng ating mga institusyon na gawin ang kanilang tungkulin. Pinupunuan lamang ng mga Tulfo ang kabiguang ito ng ating mga institusyon.
Halimbawa ang kontrobersiya ngayon sa guro. Sa ngayon, kung lalapit ka sa mga matataas na opisyal ng paaralan, hanggang sa Deped, ano kaya ang tyansang pakinggan man lang ang reklamo ng mga magulang? Mabibigyan kaya ng hustisya ng Deped ang reklamo mo?
Sa reklamo sa mga pulis, kung magsasampa ka kaya ng kaso sa PNP, o sa korte, pakikinggan ka kaya? Gaano kabilis kaya ang pag-kamit mo ng hustisya?
Kung binabasa mo ito at sa iyong karanasan, nakakuha ka ng hustisya na patas at mabilis dito sa atin, may kutob ako: may pera ka at koneksiyon. O posibleng isa kang kilalang personalidad. At malamang kung wala sayo ang mga nabanggit, wala kang nakamit na hustisya.
Yan po ang dahilan kaya libo-libo ang lumalapit sa mga Tulfo para humingi ng tulong. Upang makalaban ng patas silang mga walang pera at koneksiyon.
Sa madali’t sabi, kung magagalit ka, wag kay Raffy Tulfo at sa kanyang mga kapatid. Baka nga dapat ka pang magalit sa sarili mo dahil wala ka namang ginagawa para baguhin ang sistemang ito.
Kahit po alisin mo sa midya ang mga Tulfo, kung ganito ang sistema natin, mapapalitan lamang sila ng ibang tao. Mga taong kahit papano ay nagbibigay pagasa sa mga maliliit, walang pera, at hindi kilala sa lipunang ito.”
***
Source: Ricky Rosales | Facebook