Isang Grade 5 pupil mula sa General Santos City ang nag-viral sa social media.
Humanga ang mga netizens sa lakas ng loob ng batang nag-apply bilang tagalinis sa isang opisina para may magamit na panggastos sa kanyang school project.
Kinilala ang kahanga-hangang Grade 5 pupil na si Kervy James Villarejo, estudyante mula sa Jose Catolico Sr. Elementary School.
Kwento ni Chriszel Singo Vicente, ang netizen na nag-upload ng picture ni Kervy, pumunta ang bata sa kanilang opisina sa Charter Ping An Insurance Corporation - GenSan Branch. Doon, nagtanong sya kung kailangan nila ng tulong sa paglilinis gaya na lamang ng pagwawalis at pagmo-mop ng sahig.
Dahil sa bilib nila sa tapang ng bata, tinanong nila ito kung bakit gusto nyang magtrabaho bilang tagalinis sa kanilang opisina.
Paliwanag ng bata, kailangan nyang kumita ng pera dahil gagamitin nya ito sa kanyang school project. Kaya naman ganun na lamang sya kapursigidong pumasok sa kahit anong trabaho.
Labis na naantig ang puso ng mga staff ng opisina kaya naman matapos ang 'job interview', napagpasyahan ng mga ito na bigyan na lamang si Kervy ng pera na kailangan nya at hwag nang paglinisin pa.
Laking pasalamat naman ng bata dahil binigyan sya ng mga taga opisina ng pera na kailangan nya nang walang hinihinging kapalit. Dahil dito, napagdesisyunan ni Kervy na bumalik sa naturang opisina upang maipakita sa kanila ang kanyang school project bilang pasasalamat nya sa mga taong tumulong sa kanya.
Libo-libo ang bumilib sa pinakitang lakas ng loob ng bata kaya marami ang nagsabi na dapat magsilbing mabuting halimbawa ang ginawa ng Grade 5 pupil hindi lamang sa mga bata kundi pati na rin sa mga matatanda.
Marami din ang napukaw ang damdamin sa kanyang kwento na gusto na nilang suportahan ang allowance ng bata at iba pang mga kakailanganin nito.
Nakatutuwang naisip ng musmos na pagtrabahuhan ang kanyang perang kikitain imbes na ihingi na lang ito kung kani-kanino nang hindi pinaghihirapan.
Source: Definitely Filipino