Marami sa mga kabataan ngayon ang sumusuway sa kanilang mga magulang o binabalewala ang pamilya para lang masunod ang kanilang mga makamundong kagustuhan.
Malayong-malayo ito sa ginawa ng 11 anyos na bata na nagnais mailigtas ang buhay ng kanyang naghihingalong tatay.
Walong taon na ang nakalipas mula ng ma-diagnose ang kanyang tatay na may blood cancer.
Sa hangarin na makatulong sa amang may sakit, ginawa ng bata ang isang pambihira at halos imposibleng makamit na sakripisyo: ang magkaron ng karagdagang timbang na 18kg sa loob lamang ng tatlong buwan.
Ito ay para mai-donate nya ang kanyang bone marrow sa kanyang tatay. Kung kaya mula sa 30kg, sya ay naging 48kg.
Kung ikukumpara, halos kalahating sako ng bigas ang timbang na kinailangan ng bata na maidagdag sa kanyang katawan. Para magawa ito, limang beses syang kumakain araw-araw.
Mahilig syang kumain ng karne, ngunit ang palagiang pagkain nito ay nakabawas sa kanyang gana. Sa kabila nito, pinilit pa din nyang kumain ng kumain para maabot ang nasabing timbang.
Ang nanay nya ay nagta-trabaho sa supermarket, kaya naging madali ang pagbili ng karne sa murang halaga. Pero kahit mismo ang nanay, hindi makapaniwala na magagawa ng kanyang anak na abutin ang napakalaking requirement upang matulungan ang tatay.
Minsan, apektado pati ang pagtulog ng bata dahil sa sobrang kabusugan.
Ilang taon din syang nanghuli ng scorpions o mga alakdan para maibenta at magkapera para maidagdag sa kanilang gastusin. Ayon sa kanya, kumikita sya ng humigit kumulang P700 mula sa tatlong gabi ng paghuhuli ng mga alakdan.
Dahil sa mga sakripisyo ng anak, muntik nang ikonsidera na sumuko ng kanyang ama matapos makita ang mga dinaranas ng bata para lamang maisalba sya.
Mabuti na lamang ay nakatanggap sila ng halos 6 million php online donations para maisagawa ang operasyon.
Bago naganap ang operasyon, nagbigay na ng huling habilin ang tatay sa kanyang pamilya na kailangan nilang magpatuloy sa kanilang buhay kung sakaling hindi naging maganda ang resulta.
Ngunit may mas magandang plano ang Dyos. Nagbunga ang sakripisyo ng kanyang anak na si Lu Zikuan. Matagumpay ang ginawang operasyon sa Beijing.
Ang sakripisyo na ito ang nagsilbing regalo ni Lu sa kanyang ama.
Source: South China Morning Post