Inireklamo ng isang lolo ang umano’y mabagal na pagproseso ng Social Secruity System (SSS) sa kaniyang sumobrang kontribusyon sa ahensiya.
Dumulong sa “Tapat Na Po” si lolo Mario Atienza, 64 anyos, na mahigit 1 dekadang naging overseas Filipino worker (OFW) sa Middle East.
Ayon kay Atienza, sigurado siyang kumpleto ang kaniyang hulog sa SSS.
Sa report ng ABS-CBN, nang kukubrahin na umano ni Atienza ang kaniyang retirement benefit,nalaman niyang sobra-sobra pala ang naibigay niya.
"Siyempre tuwang-tuwa ako. Magagmit ko rin 'yun kasi 'yung bahay ko maraming tumutulo sa labas," sabi ni Atienza.
Noong Pebrero pa nagsumite ng mga dokumento si Atienza para sa refund pero umabot na ng kalahating taon ay hindi pa rin naibibigay ang kaniyang sobrang hulog.
"Iyung frustration na nag-follow up ka tapos walang definite answer na makukuha mo talaga. Kahit ako na personal na mag-follow up wala silang suggestion sino kakausapin ko," hinaing ng senior citizen.
Idinulog ng Tapat Na Po sa SSS ang problema at katuwiran nila ay inaayos pa muna kasi ang retirement benefit ni Atienza.
"Nanghihingi kami ng konting pasensiya... Iyung refund na 'yun maibibigay sa miyembro after ma-settle 'yung kaniyang retirement application," paliwanag ni Lucrecia Martinez, acting head ng SSS Member Communications Assistance Department.
Sa wakas, noong Setyembre 27 ay naiabot na kay Atienza ang kaniyang inaasam na refund.
Sa mga konsumer na nais magpadala ng reklamo, mag-post lamang sa Facebook page ng Tapat Na Po.
Panoorin ang video sa ibaba:
***
Source: ABS-CBN