Isang pamilya, gumamit ng pekeng PWD ID para makadiscount sa mamahaling restaurant - The Daily Sentry


Isang pamilya, gumamit ng pekeng PWD ID para makadiscount sa mamahaling restaurant



Litarto mula sa Remate
Kung galing at diskarte ang pag-uusapan, walang duda na ang mga Pinoy ay isa sa mga nangunguna. Pati nga ibang lahi ay bilib sa mga Pilipino dahil sa angking sipag at determinasyon sa trabaho.

Pero tila nasobrahan naman ata ang ilang Pilipino ng diskarte at ginagamit ito sa maling paraan. Gaya na lamang ng bagong scam na kung saan ang PWD ID ay illegal na binebenta sa halagang P3000.


Ang naturang identification card ay binebenta sa mga taong wala namang kapansanan.

Eto ang isiniwalat ni ACT-CIS Partylist Representative Eric Go Yap na kung saan kahit walang kapansanan ay nakakakuha ng PWD ID kapalit ng pera na nagkakahalaga ng mula P1,000 hanggang P3,000. Ito ay nangyayari umano sa ilang mga siyudad sa Metro Manila.

Representative Eric Go Yap, litrato mula sa Sonshine Radio
Nasaksihan daw ng mambabatas ang isang pamilya na may anim na miyembro na kumain sa isang mamahaling restaurant. Apat na miyembro nito ay mga teenager. Nang magbabayad na ng bill ay nagpakita raw ng mga PWD ID ang bawat isa sa kanila kahit na tila wala namang mga kapansanan.

Nakumpirma ni Rep. Yap ang ganitong gawain kaya naman isinumite niya ang House bill 454 na kung saan layon ng panukalang batas na ito na magkaroon ng kaparusahan ang hindi tamang paggamit ng PWD ID.

Ayon kay Rep. Yap, mga fixers ang nag-aalok ng PWD ID sa mga interesadong tao kapalit ng pera.

“Itong fake PWD ID kumakalat na ito, nilalako na ito,” sabi ni Yap.

Bukod pa dito, sinubukang pinatotohanan ni Rep. Yap ang maling gawain na kung saan inutusan niya ang isa niyang staff na walang kapansanan na kumuha ng PWD ID. Nakakuha raw ito kapalit ng isang libong piso.

Labinlimang tao pa ang inutusan ni Yap na kumuha ng PWD ID sa Lungsod ng Maynila at sa Quezon City at lahat sila ay nakakuha nito matapos magbayad ng tig-P3,000 bawat isa.

Dagdag ni Rep. Yap, ang naturang ID ay ginagamit din para makadiscount sa airline tickets.


“Kung wala tayong gagawin na aksyon, di ba iyong polio nga kumakalat nagkakaroon ng outbreak, magkakaroon na rin po ng outbreak nito (fake PWD IDs) kasi nilalako na ho. Kung sino-sino ang nakakapaglako,” sabi ni Yap.

Hiniling ni Congressman Yap na silipin ito ng Kamara dahil maraming mahihirap na may kapansanan ang hindi nakakakuha ng ID dahil walang perang panustos para sa mga requirements.

Nanawagan din si Yap sa mga alkalde ng mga nabanggit na lungsod na suriing mabuti ang pagpapatupad ng PWD law.

Hinikayat din niya ang mga may-ari ng restaurant na komprontahin ang mga taong kaduda-dudang gumagamit ng PWD ID.

“Kailangan natin ng shame campaign. Ang mga gumagawa nito may pera. Mahihiya ho sila kung tayo ilalabas natin ito, ikakalat natin ito,” sabi ni Yap.

“Maliwanag na pagnanakaw na sa gobyerno ito. Hindi katanggap-tanggap ito. Gagamit kayo ng pekeng PWD, pepekein niyo yung isang libo, yung tunay na PWD hindi makakuha, hirap na hirap sa requirements,” dagdag niya.

Gayundin, hinimok niya ang mga taong gumagamit ng pekeng PWD ID na itigil na ang hindi magandang gawain. Aniya, dapat na lang silang magpasalamat na wala silang totoong kapansanan.

Ang mga PWD ay entitled sa 20% discount at exempted sa pagbabayad ng VAT sa mga binibiling piling produkto at serbisyo saan mang panig ng bansa.

Source/s: Bilyonaryo, Virtual Pinoy