66 anyos na street vendor, libreng nagtuturo sa ilang kabataan - The Daily Sentry


66 anyos na street vendor, libreng nagtuturo sa ilang kabataan



Isang 66 anyos na street vendor ang hinahangaan ngayon sa Quezon City dahil nagtuturo ito ng libre sa mga bata habang abala sa pagtitinda sa kanyang puwesto. 
 Si Manong Guillermo de Guzman at mga batang kanyang tinuturuan / Photo from ABS-CBN

Ayon sa report ng ABS-CBN na si Bayan patroller John Faigmani, siya mismo ang nakasaksi sa mga batang nagkukumpulan kay manong Guillermo de Guzman.

"Nagtanong ako sa bata kung anong meron, may binebenta ba? Tapos sinabi ng bata na tinuturuan sila. Libre. So may kurot sa puso ko kasi dati ginagawa ko rin 'yun. So nakakatuwang isipin na may mga tao palang nabubuhay sa ganu'ng adbokasiya rin," ani Faigmani.
  Si Manong Guillermo de Guzman at mga batang kanyang tinuturuan / Photo from ABS-CBN
 Si Manong Guillermo de Guzman  / Photo from ABS-CBN

Taga-Bulacan umano si manong Guillermo na nagtitinda ng accessories sa isang bangketa sa EDSA corner Mapagmahal street, Barangay Pinyahan, Quezon City.

Ayon kay manong Guillermo, dati na siyang suma-sideline bilang tutor sa elementary students sa Bocaue, Bulacan bukod pa sa pagtatrabaho bilang janitor at messenger. 

"Iyung mga bata na 'yan pag dumadaan bibili, nangungulit... [So gumawa] ako ng short exam, short quizzes na kapag nasagot ninyo kung sino ang highest pointer a week, 'yun ang bibigyan ko [ng earphones] and in fact libre pa kung gusto niyo. So parang na-challenge sila," kuwento ng vendor.

Malaki naman ang pasasalamat ng mga "estudyante" kay Manong Guillermo.

"Nai-inspire po ako na mas lalong magpursige sa pag-aaral," ani Liam Mallanao. 

  Liam Mallanao / Photo from ABS-CBN
 Si Manong Guillermo de Guzman at mga batang kanyang tinuturuan / Photo from ABS-CBN

"Alam niya po 'yung algebra, tsaka 'yung English po. Tinuturuan niya po kami," ayon naman kay JM Pentiño.

Para kay Manong Guillermo, masarap sa pakiramdam na makabahagi ng kaunting kaalaman sa mga bata na walang hinihinging kapalit. 

May payo rin si Manong Guillermo sa mga kabataan.

"Ang masasabi ko sa inyong mga kabataan, pakiusap lang magsikap kayo mag-aral sapagkat 'yan ang tanging kayamanan na di mananakaw. 'Yan ang tanging kayamanan na ipapamana sa inyo ng inyong mga magulang," paalala ni De Guzman.


***
Source: ABS-CBN