May-ari ng private school, Ipinasunog ang mga gamit ng estudyante na may kasama pang pagmumura - The Daily Sentry


May-ari ng private school, Ipinasunog ang mga gamit ng estudyante na may kasama pang pagmumura



School administrator na si Former Municipal Councilor at incumbent Provincial Board Member Alexander James Jaucian, ipinasunog ang mga gamit ng mga estudyante. Image credit to Facebook/ I love Bicol
Viral ngayon sa Facebook ang isang may-ari ng paaralan sa Libmanan, Camarines Sur na di umano'y nag-utos na sunugin ang mga bag ng mga estudyante ng mga Senior High School na nag-aaral sa kanyang paaralan noong Biyernes, matapos na hindi sila sumunod sa patakaran ng "no-bag" ng paaralan para sa araw na iyon.

Ang nasa likod ng pagpapasunog ng gamit ay ang school administrator na si Former Municipal Councilor at incumbent Provincial Board Member Alexander James Jaucian. Ipinasunog niya ang mga gamit ng estudyante sa isang male staff ng paaralan.

Sa isang post na ibinahagi ni Earl Vincent Cañaveral, isang alumnus ng Bicol Central Academy, "Ang mga bag ng mga mag-aaral na hindi sumunod sa patakaran na walang bag na itinakda para sa pangyayari sa paaralan ngayon ay nakumpiska at sinusunog sa pistahan ng paaralan."

Ayon kay Earl Vincent Cañaveral ang nagbahagi ng nasabing post, ang paaralan ay nagdiriwang ng araw ng Tatsumaki kung saan ang mga napiling mga estudyante sa senior high school ay kinakailangang magsuot ng formal attire dahil pansamantala nilang palitan ang kanilang mga guro na dumalo sa seminar ng Department of Education (DepEd).

Ayon sa mga estudyante na noo’y pansamantalang humalili sa kanilang mga guro na nasa DepEd seminar sa loob ng isa pang gusali ng paaralan, ikinagalit umano nito na makita sila na nasa mga classroom na itinalagang ‘waiting area’ na may dalang mga bag, sa kabila ng pagbilin na huwag na muna magbitbit nito ngayong araw dahil magtuturo muna sa mga grade school student.

“Pwede naman daw magdala ng maliit na bag pero yung maliit lang na pwede lagyan halimbawa ng cellphone hindi backpack kasi pangit daw tingnan na magtuturo na naka-business attire tapos may dalang backpack.” Sabi ng isa sa mga estudyante.


Dagdag niya, lalo pa umanong ikinainit ng ulo nito ang nadatnan na marumi at magulong silid-aralan.

“May nakasalubong siyang isang estudyanteng lalaki na hindi nakasuot ng napag-usapan na formal at business attire, ang suot niya lang ay maong na pantalon tapos rubber shoes tapos t-shirt isa pa yun sa nagpa-init ng ulo niya,” aniya.

Paglilinaw ng ilang estudyante, may permiso naman ang di niya pagsuot ng business attire dahil naka-assign naman siya sa ‘maintenance’ nung araw na iyon.
Image credit to Facebook.com/jonathanvmagistrado

Image credit to Facebook.com/jonathanvmagistrado
Maliban sa mga kwaderno at school uniforms ng mga estudyante, nasunog din ang ilang mahahalagang gamit ng mga estudyante tulad ng laptop, cellphone, pera at ATM Card.

“Parang mahigit dalawampu yung nasunugan ng gamit kasi nung ipunin yung mga sunog na gamit nasa tatlong sako yung pinaglagyan.”

Nabidyuhan naman ng isa sa mga estudyante ang pangsesermon at pambubulyaw ng school administrator dahil umano sa matinding ‘disappointment’ sa kanila.

Tinawag pa nitong ‘istupido’ ang mga bata matapos malaman na may electronic gadgets na nakasamang nasunog.

Agad nitong ipinaapula ang apoy pero pumalya ang fire extinguisher ng paaralan kaya binuhusan na lang ng ilang balde ng tubig.

“Nung malaki na yung apoy, may isang sumabog di namin alam kung cellphone o laptop tapos sabi niya, wag kayong gumalaw ginusto niyo yan. Welcome to BCA (Bicol Central Academy).”

Masama ang loob ng mga estudyante sa kanilang school administrator dahil maliban sa nasayang nilang gamit, pinagmumura pa sila nito.

“Ang masakit na part doon, pinagmumura niya kami. Stupido daw kami, punyeta.”

Dagdag ng mga bata, hindi ito ang unang insidente na ibinaling ng may-ari ng eskwelahan ang init ng ulo sa kanila.

Ilang magulang ngayon ang nag-iisip na ilipat na lang ng ibang paaralan ang anak dahil sa umano’y trauma bunsod ng mga ito.

Wala pang naghahain ng pormal na reklamo laban sa school administrator pero nais nilang ma-imbestigahan ito ng DepEd Division of Camarines Sur

Kasalukuyang walang pahayag ang may-ari ng paaralan para madinig ang kanyang panig sa pangyayari.

****

Dear avid readers, what do you think of this article? Please share your thoughts in the comment section below.

Source: Manila Bulletin